18/08/2026
⁉️HANGGANG KAILAN TAYO MASASANAY?
Buong buwan nang Agosto ang pag-ulan. Maraming pamayanan ang higit na napinsala dahil dito. Ang iba ay hindi makapaghanapbuhay, hindi makapasok sa paaralan, at nawalan ng tahanan. Ito ang paulit-ulit na kinakaharap ng Pilipinas taon-taon.
Hindi na ito bagong bagay. Matanda na rin ang Pilipinas. Sa tagal nating nakakaranas ng ganitong sitwasyon, dapat sana ay mayroon na tayong mga paraan upang mabawasan, kung hindi man tuluyang maiwasan, ang epekto ng ganitong panahon. Hindi natin maaaring pigilan ang kalikasan, ngunit marami tayong maaaring gawin upang hindi tayo lubos na maapektuhan nito.
🗑️Waste Management System
Tao tayo, at lahat ng tao ay gumagawa ng basura—maliit man o malaki, ito ang katotohanan. Karamihan sa mga bagay na kinokonsumo natin ay may kaakibat na basura. Kaya marapat lamang na mayroon tayong maayos, sustainable, at epektibong waste management system.
Paano ba dapat magtapon nang tama? Saan dapat dalhin ang mga basura? Ano ang maaari nating gawin upang hindi rin bumalik sa atin ang mga basurang itinatapon natin? Paano natin ito mapamamahalaan nang hindi natin lalo napipinsala ang kalikasan?
May pondo ang gobyerno. Baka naman panahon na upang pag-aralan kung paano tayo makikipamuhay sa nag-iisa nating mundo nang hindi natin ito unti-unting sinisira.
⛈️Flood Control System
Hindi na bagong bagay ang pagbaha sa Pilipinas. Sa katunayan, marami na ang nasanay na lamang at napilitang mabuhay sa ganitong karanasan TAON-TAON.
Hindi patas para sa lahat ang tag-ulan.
Ang iba ay payapang nakaupo sa loob ng kanilang saradong tahanan habang humihigop ng mainit na sabaw at nakabalot sa kanilang maiinit na kumot. Samantala, maraming Pilipino ang nakikipagbuno sa baha at pilit na sinusuong ang malakas at mapanganib na ulan para lamang makarating sa trabaho.
Aalis silang tuyo ang damit, ngunit maghapong magtitiis sa malamig at basang kasuotan.
Ang iba naman ay naglilimas ng tubig palabas ng kanilang tahanan, pilit na pinoprotektahan ang munting pinaghirapan nila sa buhay.
Ganito ang mukha ng Pilipinas TAON-TAON, tuwing sasapit ang tag-ulan.
Hindi ako eksperto o ekonomista. Ngunit naniniwala ako na may kakayahan ang Pilipinas na gumawa ng epektibong sistema at pangmatagalang solusyon para sa mga ganitong sitwasyon.
Iyon ay kung ang mga namumuno ay handang alisin ang kasakiman sa kanilang puso at matutong pairalin ang pusong may tunay na MALASAKIT.
Dahil hindi na sapat ang masanay tayo.
Hindi na sapat ang paulit-ulit na paglikas, paglilimas ng baha, pagkawala ng kabuhayan, at pagtanggap na ganito na lamang talaga ang buhay tuwing tag-ulan.
Hindi natin kayang pigilan ang ulan. Ngunit kaya nating paghandaan ito. Kaya nating ayusin ang ating mga sistema. Kaya nating protektahan ang ating mga kababayan.
Ang tanong na lamang ay: Kailan tayo magsisimula?