31/01/2019
Tilapia: Mas Masustansya Kaysa Bacon
By Dr Willie Ong
Maraming maling impormasyon ang kumakalat sa internet. Isang maling impormasyon ay tungkol sa tilapia. May nagsasabi na mas masama pa daw ang tilapia kumpara sa bacon.
Mali po iyang impormasyon. Ang katotohanan ay ang taba ng baboy, lechon, crispy pata at bacon ay nagdudulot ng atake sa puso, stroke at kanser sa suso. Napatunayan na iyan ng siyensya.
Kapag sobra ka sa mantika at taba na kinakain, tataas ang iyong cholesterol. Ang mga sebo at taba ay nagbabara sa iyong ugat at nagdudulot ng sakit sa puso at pagkamatay. Kung ayaw nating magkasakit, magbawas sa bacon at taba ng karne.
Masustansya Ang Tilapia:
Ang tilapia ay masustansya. Kabilang ang tilapia sa mga oily fish, tulad ng mackerel at salmon. Ito ang mga isdang mataas sa omega-3 fatty acids o good fats na mabuti sa iyong puso at utak.
Puwedeng kumain ng isda ng 3 o 4 beses bawat linggo. Mas maigi na paiba-iba ang isda na kakainin mo. Minsan bangus, tuyo, galunggong o tilapia.
Benepisyo ng Isda (Tilapia):
Ang isda ay mabuti sa ating puso at utak. May tulong din ang pagkain ng isda sa pagpapatalas ng ating utak. Ang isda ay nagpapalakas ng katawan.
Kahit noong panahon pa ni Hesus ay isda na ang kanyang pinapakain sa mga disipulo.
Kaibigan, huwag tayong basta maniwala sa mga ganitong impormasyon. Suriin kung sino ang sumulat at kung may kredibilidad ba ang nagsulat nito.
Base sa aking pag-aaral, ang isda, gulay at prutas ang pinaka-masustansyang pagkaing ginawa ng Diyos para sa tao. God bless po.