16/08/2026
Tahimik Lang Akong Nandito
Ako, nakikita kita.
Ako, pinapakinggan kita.
Kahit paulit-ulit mong ikuwento
ang araw na inaway ninyo ang kabit ng lolo.
Ang mga panahong nagtitinda kayo sa tren.
Ang mga kuwento ng hirap,
ng tawa, ng pagod,
ng mga bagay na ikaw lang ang nakakaalam.
Naalala ko pa
ikaw ang naghanda ng lahat para sa sarili mong kasal,
at sa araw na dapat ay pinakamaganda ang mga kamay mo,
may bahid ng atsuete ang iyong mga kuko.
I listen.
I cherish every little story.
Kahit ilang beses mo pa itong ikuwento,
makikinig ako na para bang unang beses ko itong narinig.
Dahil mahalaga sa akin
ang bawat bersyon mo
ang batang nangarap,
ang babaeng lumaban,
ang asawang nagbigay, at nag tiis
ang inang patuloy na nagmamahal.
At nandito ako
noong mga panahong ipinakita sa’yo
ng pamilya at ng mga naging asawa ng mga kapatid ko
ang mga bagay na hindi mo deserve.
Kaya gusto kitang protektahan.
Gusto kong iparamdam sa’yo
na hindi mo kailangang harapin ang lahat mag-isa.
Pero habang lumilipas ang mga araw,
parang ako naman ang nawawala.
Dahil sa lahat ng pagkakataong
nakikita kita,
nakikinig sa’yo,
at iniingatan ang mga kuwento mo
hindi mo pala ako nakikita.
Hindi mo pala ako naririnig.
At marahil,
ito ang pinakamasakit na bahagi:
Buong buhay kitang tinitingnan,
pero hindi mo man lang napansing
nandito rin ako.
TULA SA MALAYANG TALUDTURAN
-spoken-word poetry