01/09/2026
Sobrang lalim ng baha ngayon. At habang nakikita natin ang mga bagay na pinaghirapan nating mabili at ipunin na unti-unting nababasa, nasisira, at nawawala, may isang bagay na mas malinaw nating narealize:
Ang mga bagay na pinaghirapan nating makamtan dito sa mundo ay pansamantala lamang.
Minsan, ilang taon nating pinaghihirapan ang isang bagay, pero ilang oras lang ng baha, maaari itong masira o mawala.
Kaya pinaaalala sa atin ng Panginoon na huwag nating ilagay ang buong puso natin sa mga bagay na madaling mawala.
Sabi ni Jesus sa Mateo 6:19–20, huwag tayong mag-impok ng mga kayamanan sa lupa, kung saan maaaring masira at mawala, kundi mag-impok tayo ng kayamanan sa langit.
Hindi masama ang magkaroon ng mga bagay dito sa mundo. Pero hindi dapat dito nakatali ang puso natin.
Dahil ang lahat ng bagay dito ay lilipas, pero ang mga bagay na ginagawa natin para sa Panginoon ay may walang hanggang halaga.
Kaya habang may pagkakataon, mas piliin nating mag-ipon ng kayamanan sa langit—maglingkod, magmahal, tumulong, magbahagi ng Gospel, at mamuhay para kay Cristo.
Dahil sa huli, hindi natin madadala ang mga bagay na pinaghirapan natin dito.
Pero ang buhay na isinuko natin kay Lord ay may eternal value.
“Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.”
— Mateo 6:21