21/09/2022
Ang Bangin sa Ilalim ng Ating mga Paa
ni Ronaldo Vivo Jr.
Genre: Social Realism
Impression: 4/5
Mahusay, matalino, maangas ang pagkakasulat. Pulido ang plotting kaya naman hindi ko na pinalampas ang araw para tapusin dahil hindi na ako makapaghintay na malaman kung anong nangyari kay Alison.
Napakasmooth ng mga dialogues at pagpili ng mga salita, hindi teatrikal, hindi pilit, patunay na hindi poser si Vivo, kabisado niya ang subject matter, at kaisa siya ng mga karakter. Dahilan din ang realistic na daloy para mas umangat sa surface ang halo-halong galit, panggagalaiti, at frustration na nahugot ng kuwentong ito sakin. Parang gusto ko na rin tuloy kumuha ng claw hammer at ihambalos sa mga damuhong nakaupo. Dahil hindi lang ito kuwentong crime-mystery-thriller na walang katuturan kundi makatotohanang reflection ito ng mga kasuka-sukang pangyayari na araw-araw bumubulaga satin: kidnapping, pulis sindikato, drug trafficking, pulis sindikato, EJK, pang-aabuso sa posisyon, r**e, insurance fraud, corruption, manyak na teacher.
Lahat ng ito nakatagpo ni Rey sa paghahanap sa nawawalang anak na si Alison. Sinubukan nilang dumaing sa kinauukulan peron hindi naman sila bulag sa kalawanging pamamalakad, alam naman nila na walang kahihinatnan ang kaso sa kamay ng mga de-tsapa. Kaya, sa tulong ng teknolohiya, talino, tapat na kaibigan, malalim na pagmamahal ng ama sa anak, at syempre ng claw hammer, siya nalang ang sariling naghanap ng hustisya at katotohanan.
Ang kuwento ni Rey ay hindi agad-agad makakalimutan at hindi dapat kalimutan dahil ang mga isyu na inilahad dito ay malapit sa bituka at nagtatawag ng maagarang lunas. Ahh, marami pa sana akong gustong sabihin pero mas maigi siguro kung basahin mo nalang din ang librong ito.