06/10/2025
Alert: Nagposte ang UP ng limang tent at mga gwardya sa paligid ng Aguinaldo at bukid ng mga magsasaka para sa ‘monitoring’
Noong October 2, namataan ng ilang residente ang iilang tent sa palayan kasama ang mga nakaposte nitong gwardya. Nang tanungin ang pakay ng mga ito, sinabi na pinadala sila ng UP para sa ‘monitoring’. Sinabi naman ng ibang gwardiya na para ito sa tinatayong bike lane ng UP sa erya. Kita sa kanilang tent na may mga dala rin silang baril. Sila raw ay napag-utusan ng UP at kung may mga tanong idirekta na lamang ito sa Office of the Vice Chancellor for Planning and Development (OVPD). Nagdudulot ng pangamba sa ilang residente ang presensya ng mga gwardiya na ito na may mga hawak din na baril.
Hindi ito ang unang beses na bumaba ang mga gwardiya ng UP at mismo ang OVPD sa Pook Aguinaldo dahil sa balak nitong proyekto. Malalaman ng Aguinaldo Community Association na may binabalak na itayong SGD Farm ang Unibersidad ng Pilipinas na tatagos sa Aguinaldo at ang bukid dito. Kasama sa SGD Farm ang bike lane. Sa mga nakaraang buwan, pinaabot na ng ilan naming miyembro kasama ang mga magsasaka ng Krus na Ligas ang concern na nito sa mga kinauukulang opisina ng UP at ng mismong OVPD - nagkaroon ng mga pulong para pag-usapan ito.
Nanghihingi kami ng konsultasyon bago ang anumang paggalaw hinggil sa proyektong ito. Ngunit maaga pa lang sa taong ito, nakita na ang ilang tangkang ituloy ang proyekto: Nag-grass cutter na ang hindi kilalang mga indibidwal sa may bukid noong Abril. Noong July naman, may dumating na mga naka-vest na nagsusukat ng parehas na erya na may mga kasamang gwardiya at pulis na armado mula sa QCPD. Hindi rin daw alam ng barangay na darating ang kapulisan at magkakaroon ng pag-survey ng area. Sinasabi naman ng gwardya na kasama na sila raw ay mga estudyante, subalit hindi nagsasalita ang mismo nagsu-survey at wala rin mapakita na papeles -- marami na ang estudyanteng pumunta sa aming komunidad at palagi nakikipag-ugnayan muna sa amin bago ang anuman. Pumunta ang OVPD noong Agosto para sa pulong sa mga residente ng Pook Aguinaldo at pinakilala ang survey na kanilang ipapaikot sa komunidad.
Marami pang concern at hinain ang mga residente tungkol sa plano lalo na’t hindi pa ito lubos na pinapakilala sa komunidad - pinaabot namin na sana mayroong maayos at KUMPLETONG konsultasyon na may impormasyon bago galawin ang kahit ano. Kaya lubos kaming nababahala sa biglaang presensya ng mga gwardiya na ito dahil sa sinasabing ‘bike lane’ at plano sa Pook Aguinaldo. Taliwas ito sa hinihingi naming konsultasyon at plano bago ang paggalaw sa komunidad na tinitirhan ng mga tao. Marami sa amin ang lumaki sa komunidad ng Pook Aguinaldo at nagsilbi para sa komunidad ng UP bilang mga manggagawa, jeepney driver, vendor, at iba pa.
Nananawagan kami sa UP na alisin ang mga gwardiya na ito na nagdudulot ng pangamba sa komunidad. Itigil din ang mga proyektong hindi pa labis at kumpletong nakokonsulta sa aming komunidad! Kasama kami sa komunidad ng UP at dapat kasama rin sa pagpaplano ng kinabukasan nito!