19/08/2026
CACAO BEAN MULA SA BAYAN NG TUAO, KINILALA SA INTERNATIONAL CHOCOLATE AWARDS 2026
Isa na namang karangalan para sa Bayan ng Tuao ang nakamit matapos kilalanin ang kanilang cacao bean sa prestihiyosong International Chocolate Awards 2026.
Nakamit ng Kasama Chocolate (70% Tuao Chocolate Bar) ang 87.8% na marka at Bronze Award sa kategoryang Micro-batch – Plain/Origin Dark Chocolate Bars sa Canadian competition ng prestihiyosong patimpalak.
Ang cacao bean na ginamit ng Kasama Chocolate para sa paggawa ng dekalidad na tsokolate ay nagmula sa NCB Cacao Farm sa bayan Tuao, na pagmamay-ari ni Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor.
Kaugnay nito, lubos naman ang kagalakan ni PA Mamba-Villaflor sa naging resulta ng kompetisyon.
Aniya, ang karangalan nakamit ng Kasama Chocolate ay hindi lamang isang mahalagang hakbang at tagumpay para sa kanyang Cacao Farm kun'di para sa buong Tuao dahil sa pamamagitan nito mas makilala pa ang kanilang lugar bilang producer ng cacao at tsokolate hindi lamang sa probinsiya nguni't maging sa internasyonal na entablado.
"This is really the first step into being able to produce our own chocolate from Tuao, that I personally I want to market internationally. I am also happy for Tuao of course kasi makikilala na yung town, and then my farm will become a reliable and credible source of quality beans and seedlings so that we can help other produce quality cacao," saad ni PA Mamba-Villaflor.
Naging katuwang naman ng NCB Cacao Farm ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA), Department of Trade and Industry (DTI), at Lokal na Pamahalaan ng Tuao upang masiguro ang maayos na pagpapalaki ng cacao trees at cacao bean na ginagamit para sa paggawa ng tsokolate.
Samantala, ang Kasama Chocolate ay isang bean-to-bar chocolate company na nakabase sa Vancouver, Canada at kabilang sa mga co-founder nito na si Vincent Garcia ay isang tubong Tuao, Cagayan.
Nakikipagtulungan ang Kasama Chocolate sa mga cacao farmer at farm partner sa iba't ibang lugar upang makakuha ng de-kalidad na cacao beans na ginagamit sa paggawa ng tsokolate. Sa Pilipinas ilan sa mga lugar na kanilang naging katuwang ay ang Isabela, Cagayan, Davao, Zamboanga del Sur, pati na rin ang mga cacao origin sa ibang bansa.
Ang International Chocolate Awards ay isang pandaigdigang patimpalak na kumikilala sa kalidad at husay ng mga gumagawa ng fine chocolate at artisan chocolate products. (Rachell Galamay)