05/09/2026
Simpleng Kabutihan, Malaking Saya
Allan Jules Arnonobal, Bocaue
May isang batang lalaki po ang nagpunta sa aming tindahan, siguro po ay nasa 5 hanggang 6 na taong gulang, na paikot-ikot at tingin nang tingin sa mga laruan. Tinanong ko po siya kung ano ang hinahanap niya, at ang sabi niya, “Squishy po.”
Kaya inalok ko po siya ng mga squishy na tig-₱100 at ₱150, pero tinanggihan niya. Akala ko po noong una ay hindi niya nagustuhan ang mga ipinakita ko, pero maya-maya ay sinabi niya na kulang ang pera niya. Nasa ₱35 lang daw ang dala niya.
Kaya naghanap po ako ng squishy na pasok sa budget niya, kaso wala po akong makita na ganoon kamura. Maya-maya, may nakita akong isang squishy na ₱70 ang halaga. Sabi ko, iyon na lang ang kunin niya at dadagdagan ko na lang ang pera niya.
Kitang-kita ko na gusto niya talagang magkaroon ng squishy. At ang nakakatuwa pa, habang inaabot ko sa kanya, sinabi niya, “Kuya, baka magka-utang ako ah.” Napangiti talaga ako sa sinabi niya.
Siguro kaya mas naantig din ako sa kanya dahil naalala ko ang dalawa kong anak. Noong binilhan ko rin sila ng squishy, tuwang-tuwa sila at kitang-kita sa kanilang mukha kung gaano sila kasaya sa simpleng laruan. Kaya habang nakikita ko ang batang iyon na gustong-gusto ring magkaroon ng squishy, parang nakita ko rin ang saya ng aking mga anak sa kanya.
Sa simpleng pangyayari po na iyon, napaisip ako na minsan ay hindi naman kailangang malaki ang maibigay natin para mapasaya ang isang tao. Minsan, sapat na po ang kaunting tulong, malasakit, at kabutihan para mabuo ang saya sa puso ng isang bata.
Hindi man po malaking bagay para sa akin ang kaunting halagang naidagdag ko, pero para sa batang iyon, baka isa na iyon sa maliliit na alaala na maaalala niya habang siya ay lumalaki.
Masarap din po talaga sa pakiramdam na kahit sa simpleng paraan, nakapagbigay tayo ng saya sa iba. Dahil minsan, ang maliit na kabutihan na ginagawa natin ay maaari pong maging malaking bagay para sa taong nakatanggap nito.
Sa dami po ng bagay na puwedeng mangyari sa isang araw ng pagtatrabaho ko sa Pandayan, minsan po ang isang simpleng kabutihan ang talaga namang pinakamasarap dalhin pauwi.