22/09/2024
Sa Makating Sugat: Bawal ang Kamot, Kutkot at Kuskos
Payo ni Doc Willie Ong
Kaibigan, may sugat ba kayo sa balat na hindi gumagaling? Sobrang kati ba ito at lagi mong kinakamot? Posible itong sakit na Eczema o Neurodermatitis.
Ang Eczema (atopic dermatitis) ay kadalasang may kasamang allergy o hika. Pasumpong-sumpong ang paglabas ng rashes. Mas nakikita ito sa kabataan edad 30 pababa.
Ang neurodermatitis naman ay isang kondisyon kung saan ang sarili nating pagkakamot ang nagiging dahilan ng paglala ng sugat nito. Puwedeng mag-umpisa ng pantal lang sa balat dahil sa kagat ng insekto, allergy o eczema. Sa paulit-ulit na pagkamot ay magsusugat ito. Ang stress ay nakakadagdag sa pagkakamot ng isang tao.
Kung mayroon kayo nitong sugat o pantal sa balat, ipatingin muna sa doktor o dermatologist. Bukod sa gamot na ibibigay ng doktor, heto ang iyong iiwasan: Bawal ang 3Ks: kamot, kutkot at kuskos. Payo ito ni Dr Katty Go, isang dermatologist.
Heto pa ang mga tips:
1. Kahit gaano kakati, huwag kakamutin. Dahil lalo mong kinakamot, lalo itong magsusugat at kakati.
2. Puwedeng lagyan ng ice kapag sobra ang kati. Puwede din patuluan na malamig na tubig.
3. Kapag natutuyo ang balat (dry skin), puwede pahiran ng moisturizer o oil ng 2-3 beses sa maghapon.
4. Gumamit ng mild soap na walang pabango.
5. Pumili ng malambot o cotton na baro para hindi magasgas ang balat.
6. Kung may maitim na balat, huwag ito kukuskusin. Kapag kinuskos mo ang balat, lalo itong kakapal at iitim. Ang pangingitim ay reaksyon ng balat sa pagkamot.
7. Magsuot ng guwantes (gloves) sa gabi para maiwasan ang pagkasugat dahil sa pagkamot.
8. Kung may allergy, umiwas sa bagay o pagkain na nakaka-allergy.
9. Magbawas sa stress. Kapag stress kayo ay mas nagkakamot.
10. Kapag matindi ang kati, puwedeng uminom ng anti-allergy na tableta. Sa gabi ito inumin (dahil nakaka-antok) at paminsan-minsan lang ang pag-inom.
11. Tandaan: Huwag kamutin at sugatan ang sarili. Huwag kutkutin. Magtiis muna. Pagkaraan ng 2 linggo ay mababawasan na ang kati at maghihilom na ang iyong balat. Take care po.